Golden Reunion – Class 1960 – MHPHS
Kababalik ko lang mula sa pagbabakasyon sa Pilipinas. Sabihin pa, kahit pagod na pagod at talaga namang lagi pa rin akong nag-aantok ay nakapanaig pa rin sa akin ang hangaring sumulat, kasi ba naman napakaraming idea/paksa ang nasa aking utak. Mga karanasang naghatid sa akin at sa aking mga kasama ng ibayong tuwa at kaligayahan na nais ko ring ibahagi sa inyo, kahit sa pamamagitan man lamang ng aking mga sinusulat.
Sa mga karanasan at paksang nais kong sulatin ay uunahin ko na yong tungkol sa Gintong pagsasama-sama naming magkakaklase, dahil buwan ng Marso ng kami ay magtapos, na tapat na tapat naman para sa buwan ng Marsong labas ng Balita.
Taos puso ang aking pasasalamat sa pamunuan ng class 1960 sa kanilang malasakit na hindi gaanong mahirapan sa init ang mga alumni na base sa ibang bansa. Sa halip na ika 24 ng Marso na siyang araw ng aming pagtatapos ay ginanap ang Golden Reunion noong ika 6 ng Febrero, 2010, at dahil nga maganda at presko sa katawan ang katamtamang init ng panahon ay naging lubos na masaya ang aming pagkikita-kita at pagsasama-sama.
Marami sa mga kaklase ko ang hindi ko nakita o napakibalitaan man lamang ng nagdaang limampong taon. Sabihin pa, magkahalong tuwa, pananabik ang aking nadarama habang naghihintay, at dahil nga kaytagal na panahon bago ko sila makikitang muli ay medyo mayroon din akong konting kaba sa dibdib.
Sa maniwala kayo at sa hindi, parang walang mahabang mga taon ang namagitan sa aming magkakaklase. Sa muli naming pagkikita-kita, walang hiya-hiya. Umatikabo na ang parang walang katapusang balitaan, kumustahan, tawanan, kuwentuhan, posing-posing, kodakan, at kainan. Halos hindi na nga namin naramdaman ang gutom, dahil sa kasabikan sa isa’t isa. Ang malaman ang kani-kanilang buhay, kung sino ang napangasawa ni ganoon at ni ganito, kung ilan na ang anak, at apo, at kung nagkatuluyan ba ang mga dating nagliligawan at magnobyo noon. Kung sino ang crush ni ganito at ni ganoon, ang mga guro namin, kung sino ang mabagsik, kung sino ang tamad, at kung sino ang pinakamagaling sa lahat.
Sa kabila ng halos hindi magkamayaw na balitaan at salamat sa mga masisigasig na pamunuan ng Class 1960, maayos na maayos na naidaos ang Golden Reunion na ginanap sa Villa Reyna Resort sa Catmon, sakop ng Malolos,City, Bulacan na pag-aari ng dalawa naming kaklase na nagkatuluyan na sina Reinaria Santos Ople, at ni Federico Ople. Do you think they were already on, way back then, or perhaps in college? Who knows” Di ko rin alam.
Ang halos ayaw paawat sa kuwentuhang magkakaklase ay nangatahimik ng pagsabihang magsisimula na ang misa. Pagkatapos, sakayan na sa mga nakahandang sasakyang denekorasyonan pa ng iba’t ibang kulay ng lobo para sa motorcade. Halos hindi ko maialis ang aking tingin nang ang aming sinasakyang sasakyan ay dumaan sa tapat ng aming Alma Mater na dahil sa karamihan na ng mga estudyante ay inilipat sa lalong malawak na lugar.
Pagkatapos ng motorcade ay siyempre ang pananghalian. Kahit kumakain ay tuloy pa rin ang kuwentuhan at balitaan. Sinundan ito nang napakaganda at napakasayang palatuntunan. Napakaganda dahil isa-isang tinawag sa tanghalan ang mga alumni, na nagpaunlak na magbitiw ng maikling pananalita. Ang nakatutuwang palabas an mga alumni na base sa Pilipinas at ang mga alumni na base sa labas ng bansa ay lalo pang nagpasigla sa lahat ng dumalo, idagdag pa ang pa raffles na lahat naman ay nakatanggap. Ang lalo pang nakapagpasaya nang husto sa Golden Reunion ang paggaya ng ilan kong kaklase sa aming mga guro na nag-iwan nang nakatutuwa at di malimot na alaala sa aming mga kinakalawang ng utak. Parang mga batang nakilahok din ang mga alumni sa mga nakatutuwang palaro ng ilang mga kalog kong kaklase. Kalog sila noong magkakasama kami ng panahon pa ng kopong-kopong, hanggang sa maging dalawa na ang kulay ng buhok na pilit na itinatago sa pamamagitan ng pagkukulay ay para pa ring mga teenager sa kakalugan.
Ang klik ng kamera ay halos walang patlang. Lima kaming section noon, at sadya namang bakas na bakas sa mga mukha ng mga dumalo ang kaligayahan. Anong saya ring malaman na bagaman at may mga nauna nang tinawag si Bathala, marami pa ring mga alumni ng class 1960 ang malulusog at masayang namumuhay sa piling ng kani-kanilang pamilya.
Higit sa lahat, kapansin-pansin na tuwing magkakaroon ng reunion ang class 1960, parating pare-pareho ang kasuotan ng mga alumni. Alam ba ninyo kung bakit? Para walang patalbugan. Walang pagaraan. Dahil dito, saludo ako sa pamunuan ng class 1960 na sa taong 2010 ay pinamunuan ng masipag at bukas loob na pangulong si Reinaria Yeng Ople. Ang matiyagang pagbabahay-bahay/paggagalugad ng kalihim na si Nita Galang Santos at ni Magdalena Tongco Lopez na naghanap at nagbigay ng mga larawan ng mga alumni ay mahirap makatkat sa alaala ng kanyang mga kaklase.
Isa pa ring kapuri-puring gawain ng class 1960 ay ang pagtulong ng mga ito sa mga nangangailangang mga kaklase na hindi gaanong pinalad na matugunan ang kanilang mga pangangailangang pinansyal lalong-lalo na sa panahong may nagkakasakit sa kanilang pamilya. Tunay na maka-Diyos ang ganitong mga gawain, at ang class 1960 ay karapat-dapat lamang sa lalong mataas na pagpapahalaga
Ang pagsasama-sama ng class 1960 ay hindi nagkatapos noong ika 6 ng Pebrero. Nasundan pa ito ng bigyan ng despidida ang mga natira pang balikbayan. Sa Villa Reyna pa rin ito ginanap, lamang sa isang bahagi na higit na malamig at presko. Bahay- kubo, ngunit isang elegante at napakapreskong bahay-kubo. Muli kaysarap ng balitaan at kuwentuhan. Kaysarap din ng mga inihandang pagkain, tulad ng ukoy, turon, bibingka, pansit, lomi, kalamay, at ang malamig na bagong pitas na buko. Wow sarap talaga.
Kaya mga mambabasa ng Balita, mga kababayan, huwag ninyong palampasin ang anumang pagkakataon na maaari kayong magkita-kita muli na dating magkakamag-aral, o magkababayan kaya. Hindi kayang bayaran ng salapi ang kaligayahan o kasayahang dulot ng inyong muling pagkikita-kita, at pagbabalik tanaw sa nakaraang masasayang araw ng inyong kahapon na kaugnay ng inyong ngayon, at ng kinabukasan pa. Ang paghahalukay na muli sa mga alaala, masaya man o malungkot, na naidurugtong sa kasalukuyan, at naiuugnay ang kahalagahan sa hinaharap ay nagkakaroon lamang ng katuparan kung nagkakasama-sama sa isang reunion, golden man o hindi.
MHPHS HYMM
Alma mater dear, to thee we come
For proper guidance, truth, and wisdom
Long thou the journey vain or truthful
Loyal are the sons, Heart mind and soul
Memories of thee deep in our hearts
The priceless treasure we cannot part
Loyal we shall be, heart mind and soul
To M. H del Pilar High School
Loyal we shall be
To M. H del PIlar High School



